Kahinaan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng komposisyon tungo sa pagbuo ng worktext
Abstract
Ang pagtukoy sa kahinaan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng komposisyon na kailangan pang linangin at ang pagtukoy sa mga salik na nakaaapekto sa kanilang kasanayan sa pagsulat ang pinakalayunin ng pag-aaral. Layunin din nitong makabuo ng worktext sa pagsulat ng komposisyon na magpapaunlad sa kanilang kasanayan. Ginamit sa pag-aaral ang deskriptib-kuwalitatib na disenyo ng pananaliksik. Ang mga mag-aaral mula sa ika-11 baitang, HUMSS strand ang naging kalahok sa pag-aaral. Mula sa mga isinagawang pagsusuri, lumabas sa isinagawang content analysis sa mga komposisyon ng mga mag-aaral na may kahinaan sila sa organisasyon, paggamit ng bantas, at mekaniks sa pagsulat. Ang mga kasanayang ito ay kailangan pang paunlarin sa mga mag-aaral. Mula rin sa kanilang pahayag, natuklasang ang mga salik na kadalasang nakaaapekto sa kanilang pagsulat ay ang kapaligiran, kaalaman sa wikang Filipino at oras. Batay sa lumabas na resulta ng pag-aaral, nabuo ang sumusunod na kongklusyon: may kahinaan ang mga mag-aaral sa pag-organisa ng mga ideya, pagbabantas at mga tuntunin sa pagsulat. Nakaaapekto sa pagsulat ng mga mag-aaral ang lugar, ang kanilang kaalaman sa wikang Filipino at oras. Batay sa kinalabasan at nabuong kongklusyon, iminumungkahi ang sumusunod: ipagpatuloy ang paglinang sa pagsulat ng sulating komposisyon. Para sa mga kapwa guro, magbigay pa ng mga gawaing lalong lilinang sa kasayanan ng mga mag-aaral sa pag-oorganisa ng ideya, paggamit ng bantas at pagsunod sa mekaniks ng pagsulat. Maaaring gamitin ang binuong worktext sa pagsulat ng sulating komposisyon upang mahubog ang kasayanan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng nasabing sulatin.
Fields of Study & Subjects
Writing and Handwriting Education
Language Acquisition and Education
Linguistics and Education Research
Publication details
- Journal / source
- Pantao (International Journal of the Humanities and Social Sciences)
- Volume
- 5
- Issue
- 1
- Publication date
- 11 February 2026
- Language
- TL